Martes, Oktubre 28, 2014

Philippine Biodiversity



    This week's NSTP session was about the Biodiversity and Conservation in the Philippines. The Philippines is one of the world's 17 megadiverse countries, with over 9000 (excuse the DBZ joke if you get it) species of plants, 600+ species of birds, 191 species of mammals, 20000+ species of insects, 111 species of amphibians, and 270 species of reptiles within it's borders. It's waters are also claimed to be the most diverse in the world, and many of the species found within it's borders are also endemic to the country. It is a biological hotspot for animals and plants ranging from all shapes, sizes, and colors. 


    The level of biodiversity found in the Philippines is amazing, with new discoveries being found every year, but with every year comes new challenges. More and more habitats are being destroyed to make lumber or farmland, and rare endemic species are being hunted to be sold on the black market to private collectors or for their exotic pelts and bones. Over 400 endemic species in the Philippines are already threatened or worse. Recently, one of the last male Northern White Rhino's was found dead, leaving the subspecies functionally extinct. Hopefully, through the efforts of conservation groups like the Haribon Foundation, that will not happen here. 

Martes, Oktubre 21, 2014

Katutubo

Kapag naririnig ang salitang katutubo, ang karaniwang pumapasok sa isipan ng tao ay pandak, kulot, at maitim. Ito ay dahil nakasaad ang mga katangiang ito sa pagsasalarawan ng mga katutubo sa mga libro sa elementarya. Ngunit mali pala ang tinatawag na “stereotyping” na ito sa ating mga katutubo dahil diskriminasyon na at hindi simpleng paglalarawan ang tingin nila dito. Kaya naman, isang malaking bagay para  sa amin na marinig mula mismo sa ating mga katutubo ang kanilang dinadaing at nararanasan. Tulad ng naunang nabanggit, isang malaking bagay sa mga katutubo ang diskriminasyon. Ayon pa nga sa isang katutubo na nagsalita sa harapan, noon daw ay natatakot at nanginginig siya tuwing makakaharap ng isang tao mula sa siyudad dahil ang tingin daw nila dito ay higit na mas matalino at mas mataas ang antas sa kanya.

Maliban sa diskriminasyon ay mayroon pang mas malaking problema ang ating mga katutubo. Ito ay ang pagpapalayas sa kanila sa mga lugar na kanilang tinitirahan. Lubos umanong pinapaboran ng gobyerno ang mga pagpapatayo ng mining company sa kabundukan kaysa sa protektahan ang kalikasan at ang kapakanan ng ating mga katutubo. Sa kabila ng pagkakaroon ng mga batas na nagtatanggol sa ating mga kabundukan at sa ating mga katutubo ay ramdam pa rin nila at patuloy pa rin nilang nararanasan ang pagtataboy sa kanila.

Kaya naman kasama ang mga grupong sumusuporta sa kanila ay patuloy nilang pinaglalaban ang kanilang karapatan bilang mga Pilipino. Patuloy nilang dinidinig ang kanilang mga hinaing sa ating pamahalaan at patuloy silang lumalaban sa kabila ng banta sa kanilang kaligtasan.

Bilang isang estudyante tanging pagsuporta lamang sa kanila ang aking maibibigay. At ang pagkilala sa kanila bilang mga tunay na Pilipino na walang halong diskriminasyon.  

Bilang isang Pilipino, hindi na bago pa sa ating kaalaman at mga mata ang tungkol sa ating mga kapatid na napapabilang sa mga pangkat-etniko na naglipana sa napakaraming lalawigan at probinsya ng ating bansa. Sila ay hitik sa kultura na mapahanggang-ngayon ay hindi pa rin nila pinakakawalan bagkus ay lalo pang pinanghahawakan ng lubusan. Saksi ang kani-kanilang tribo sa mga nagdaang pangyayari sa ating bansa; kung paano ito nagbago , kung paano ito nagkaroon ng progreso at sa kung papaano ito nagpabago-bago habang dumadaan ang panahon. Gayunpaman, lumipas man ang nagdaang panahon, hindi nagbago ang kani-kanilang paniniwala, tradisyon at kultura. Kaya nama’y hindi na nakakagulat pa kung bakit binabalik-balikan ang ating bansa ng samu’t saring mga turista, sapagkat ramdam nila ang init ng pambungad ng ating mga kapatid sa ating mga dakong probinsya.
Bilang isang Pilipino, hindi rin maganda ang mag bulag-bulagan pa. Alam nating lahat sa kung papaano bang hirap ang nararansan ng ating mga kapatid. Dahil na rin sa kawalan nila ng kaalaman sa edukasyon at literasiya ay marami ang sa kanila’y inaabuso, na nagdudulot ng hindi magandang epekto sa kanilang tribo. Bunga ng ilan sa pang aabusong ginagawa sa kanila ay ang panggagamit sa kanilang pagiging iliterado sa pamamagitan ng pagmamanipula sa kanilang pagboto sa pagpili ng lider. Isa pa ay ang pagiging bingi ng gobyerno ukol sa kanilang mga hinaing at pasakit. Dagdag na sa pang-aabuso ang pagkuha sa kanilang lupain at ang higit sa lahat, ang pwersahang pagpapaalis sa kanila sa kani-kanilang tirahan.

Martes, Setyembre 30, 2014

Disaster Heroes

Mga Maasahan sa Oras ng Sakuna

                Maraming aksidente at sakuna ang nangyayari sa Pilipinas, at para matugunan ang mga sumasaklolong kababayan, kailangan natin ng mga”superhero” ika nga nila.  Sa panahon at oras kung saan ang buhay ay napapalagay sa hudyat ng kamatayan, mayroon tayong mga kaakibat na tao na may sapat na kaalaman at natatanging kakayahan dahil sa kumprehensibong pagsasanay na kanilang isinisagawa para sa pagsagip ng walang iba kundi buhay ng bawat isa. 

                Ang search and rescue team ay ang mga tagapag ligtas sa mga taong humihingi ng saklolo sa mga panahong gipit na gipit na sila at nangangailangan ng tulong. Sila ang nag bubuwis buhay upang masagip at mailigtas ang ating kababayan sa kritikal na kondisyon.  Ang mga nailigtas naman, lalo na ang mga nasugatan, na-injured at ano pa man, ay dadalhin sa EMS o ang Emergency Medical Service. 


                 Ang Emergency Medical Service ay isang organisadong grupo na ang layunin ay gamutin ang mga nasugatan at ang iba pang nasa kritikal na kondisyon. Isa pa sa alang-alang na kina-aakibatan ng EMS ay ang paghahanda ng mga maayos na pasilidad nang sa gayo’y ating malaman kung anu-ano ang dapat puntahan at mga dapat iwasan sa panahon ng emergency o sakuna. Isa pa na kabilang sa sistemang ito ay ang pag-gamit ng mga tamang kagamitan na nagsisilbing isang malaking tulong para sa pagsalba ng napakaraming buhay: mga kagamitang ginagamit ng mga bumbero o kaya nama’y mga kagamitang ginagamit ng ating mga search and rescue respondents at hazardous materials teams para sa maayos na pagsasagawa ng operasyon na napapaloob sa Incident Command System.

                 Ang Incident Command System ay ang basehan ng mga sumasagawa ng SAR at EMS para matugunan ng tama at epektibo ang mga napinsalang sangkatauhan.  Ito na rin ang ginagamit ng karamihan sa tuwing kailangan gumawa ng kritikal na desisyon para mailigtas ang nakararami  at para matugunan ng maayos ang nasugatan. 

Martes, Setyembre 9, 2014

Ang Save Freedom Island Movement at ang Manila Bay Reclamation Program


         Ang Save Freedom Island Movement ang nanguna sa seminar na inilatag sa amin sa aming NSTP noong Ika-3 ng Setyembre. Save Freedom Island, pangalan pa lng alam na qng ano ang layunin. Sa mga hindi nakakaalam, ang freedom island ay ang hilera ng bakawan sa Manila Bay. Layunin ng grupong ito na protektahan ang freedom island mula sa pagkasira na epekto ng pananmantala ng mga negosyante at ng gobyerno. Ang Save Freedom Island Movement ay binubuo ng tatlumpu't walong organisasyong nagnanais na mailigtas ang freedom island at magpatayo ng sanctuary para sa mga bakawan at sa mga hayop na nakatira doon.
Isang magandang balita para sa bansang Pilipinas ang sinasabing paglago ng ating ekonomiya. Dahil sa paglago na ito, maaakit ang mga negosyante mula sa ibang bansa para mag-invest ng kanilang negosyo sa bansa. Ito ang magpapasok ng dolyar sa ating kaban na lubos na mahalaga sa pangdaigdigang ekonomiya. Subalit kasabay ng inobasyon ay may kaakibat na pagkawasak. Dahil sa tumataas na demand para sa pagtatayuan ng mga negosyo, naisipan ng gobyerno na ang solusyon rito ay ang National Reclamation Program. Ito ay lubhang makakasira sa likas-yaman na mayroon ang Manila Bay na magiging dahilan sa pagkawala ng trabaho ng maraming mngingisda. Kaya naman tinututulan ito ng mga environmentalist party groups. Kabilang na ang Save Freedom Island Movement.  
Sa pagkakakilala namin sa Save Freedom Island Movement, kinumbinse nila kaming tumulong sa laban para sa kalikasan. Bilang mga estudyante ng kolehiyo at ng UP Manila, naisip naming tumulong sa adhikain ng mga grupong ito pra sa ikakasaayos ng ating kalikasnn at mapanitili na maganda at sagana ang Pilipinas.
Isa sa mga tinalakay sa amin noong ika-3 ng Setyembre ay ang Manila Bay Reclamation na bahagi ng National Reclamation Program ni Pangulong Benigno Aquino III. Ang programang ito ay naglalayong palawakin ang ating kalupaan sa pamamagitan ng pagtatambak sa ating mga dalampasigan at iba pang katubigan.
Sa aming palagay, may maganda namang maidudulot ang programang ito. Una, dahil dito, lalawak ang ating pangkalahatang kalupaan na magagamit upang makapagpatayo ng iba’t-ibang imprastraktura na mapapagmulan ng mga trabaho para sa mga mamamayan. Isa sa mga halimbawa ng mga gusaling iyon ay ang SM Mall of Asia sa Pasay City. Sa tingin namin, ito ang pangunahing layunin ng ating pamahalaan, ang makapaglaan ng mga trabaho sa mamamayan upang matulungan sila at ang bansa upang umunlad.
Ngunit sa kabila ng mga magandang maidudulot nito, napagtanto namin na marami rin itong masasamang epekto sa atin na nabigyang linaw noong tinalakay sa amin ang nasabing issue. Ilan sa masasamang dulot nito ay ang mga storm surges, liquefaction at land subsidence. Ang mga ito ay may karimarimarim na maidudulot sa atin. Una, storm surges. Alam natin na isa ito sa mga pinakamapanirang mukha ng kalikasan, kaya nitong sirain halos lahat ng nasa tabing dagat. Kung matutuloy ang reclamation, lalong lalapit ang tubig sa mga kabahayan at kapag nagkaroon ng malakas na bagyo, tiyak namin na maraming tao ang labis na maapektuhan.
Ang liquefaction naman ay nangyayari kapag ang lupa ay masyado nang buhaghag at kapag ang lupang ito ay nilindol, magmimistulang likido ang lupa na magdudulot ng pagguho ng mga gusali at iba pang mapanganib na kalalabasan. Maraming mawawalan ng kabuhayan, tahanan, at ang masaklap, maging mga inosenteng mamamayan ay maaaring malagutan ng hininga dahil dito. Kaugnay ng liquefaction, may isa pang masamang dulot ang programang ito at iyon ay ang land subsidence o ang unti-unting pagbaba o paglubog ng lupa. Tulad ng liquefaction, labis na maapektuhan ang ating mga imprastraktura at mamamayan.
Matapos naming mapagisipan ang mga bagay na ito, nalaman namin na ito ay hindi ang mismong programa ang issue dito. Ang totoong nakasalalay sa talakayang iyon ay ang kapakanan ng mga taong mamumuhay sa mga apektadong lugar hindi lamang sa kasalukuyan ngunit maging sa hinaharap.
Ang panawagan lamang namin sa ating pamahalaan ay sana pagtuunan pa nila ng atensyon ang mga programang ipapatupad nila, maaaring may mga magagandang dulot ito sa ating bansa ngunit isaalang-alang din nila ang mga masasamang epekto nito upang malaman kung dapat ba talagang isagawa ang nasabing programa upang hindi na nila magawa ang mga pagkakamali ng mga nakaraang administrasyon.


-Mula sa BatangHamogz Group, BS Computer Science

Martes, Setyembre 2, 2014

Philippine Poverty Situationer

Infographic

NSTP - August 27, 2014

    Mga Reaksyon Ukol sa Tagapagsalita

        Reaksyon ni Reece

Sa event na pinamagatang "Philippine Poverty Situationer" ay tinalakay ang kalagayan ng kahirapan sa Pilipinas, kung nasa anong lebel ito, kung ano ang mga maaring maging solusyon para dito, at iba pang aspeto ng kahirapan.

Ang naging pambungad sa nasabing pagpupulong ay ang paglalahad na ang kahirapan sa Pilipinas ay hindi nangyari ng aksidente lamang, bagkus ay bahagi na ito ng kultura at may mga tao sa likod ng kaganapang ito. Kung titingnan ang kalagayan ng Pilipinas ngayon ay hindi maipagkakaila na tama o malaki ang posibilidad na ganoon nga ang sitwasyon, na malaki ang kontribyusyon ng pagpapasya ng bawat tao sa nagiging kalagayan ng buong sambayanan. Halimbawa na lamang ang mga pulitiko, na ayon sa speaker, ay pinapanatiling mahirap ang mga mahihirap upang walang umagaw sa kanilang posisyon. Sa pamamagitan ng pagbibigay ng tulong sa mga mahihirap upang kanilang isipin na tanging ang gobyerno lamang ang kanilang maaasahan at hindi na sila magsumikap para sa sarili. Sa ganitong pag-iisip na ibinibigay o ipinamumukha ng mga pulitiko sa mga mahihirap ay nililimitahan nila ang kakayahan ng mga mahihirap. 

Ang kahirapan daw ay ang kawalan ng mga pagkakataon at ng karapatang pumili. Ayon kay Ghandi, "Poverty is the worst form of violence." Sa sitwasyon ng mga maralita, wala silang kakayahan na pumili ng kung ano ang nais nila dahil wala silang sapat na pinagkukunan ng panggastos sa araw-araw. Nabanggit pa nga sa event ang tungkol sa "kaninbaw" o pinagsamang kanin at sabaw na kadalasang kinakain na mga mahihirap. Ito ay sa kadahilanang wala silang pagpipilian kundi iyon lamang at kahit mayroon silang pambili ay yun lang din ang naaabot ng kanilang pera. Sa kabila ng nababalitang pag-unlad ng ating bansa sa larangan ng ekonomiya ay hindi rin maitatanggi ang patuloy na pagdurusa ng mga mahihirap. Kaya naman kwinestyon kung tunay nga bang umuunlad ang ating bansa kung malaking bahagi pa din ng ating populasyon ay mga mahihirap. May pag-asa pa kaya na matanaw ng mga maralita ang kaginhawahan kung mismong ang mga pinuno ay nililigaw sila sa maling landas. Marahil ay hindi pa nga malakas ang pwersa ng mga taong naglalayon na makagpagdala ng pagbabago sa lipunan dahil talamak pa rin ang korapsyon sa ating gobyerno at nanatili pa ring naghihikahos ang ating sambayanan.

Ang suhestiyon ng speaker, o marahil ng karamihan sa atin, ay ang pagbuwag sa tinatawag na Social Pyramid. Sa pamamagitan nito ay magkakaroon ng pantay pantay na pagkakataon at pagtingin ang mga tao sa kapwa at sa kanilang sarili. Ngunit sa kasalukuyang nagaganap sa atin ay malabo ang mangyari ito. Ito ay dahil sa sariling bansa natin mismo ay nagkakaiba tayo sa kultura at paniniwala. Sabi nga nila, kailanman ay hindi maghahalo ang tubig at ang langis. Ipinapahiwatig lamang dito na kailanman ay hindi magtatagpo ang ating mga pananaw sa buhay at hindi maaaring magtagpo ang kultura ng mga mahihirap at mga nakaaangat sa buhay.

Isa pang maaaring solusyon sa kahirapan ay edukasyon. Ang walang kamatayang edukasyon na noon pa man ay isa nang malaking bahagi sa pagpaplano ng gobyerno para sa pagbabago at kaunlaran. Malaki ang maaaring maging implikasyon ng edukasyon sa tao, mahirap man o hindi. Dito ay naibabahagi sa kanila ang mga karunungan na maari nilang gamitin upang magkaroon ng hanapbuhay. Naipapamulat din dito ang tunay  na kalagayan ng ating lipunan at kung ano ang maaaring maging hakbang ubang maging parte ng pagbabago. Kung naibigay lang sana sa tamang mga kamay ang pondo ay matagal na umunlad ang ating bansa. Hindi naman sa nilalahat ngunit sadyang may tao lang talaga na inuuna ang sariling interes kaysa sa interes ng sambayanan. Mahirap man o mayaman ay alam ang importansya ng edukasyon kaya naman ganun na lamang ang pagsusumikap ng ating mga mag-aaral upang umunlad ang sarili at maging parte ng pag-unlad ng sambayanan.  

Pagkakaisa. Isa ito sa pinakamagandang kaparaanan upang umunlad. Kung ang lahat lang sana ang nagtutulungan at nagsusumikap tungo sa iisa at iisang layunin lamang ay hindi malabo na makamit ang kaginhawahan. Halimbawa na lamang ang pagkakaisa ng mga pilipino sa pagtuligsa sa administrasyong Marcos. Nagkabunga ang ito at natupad nila ang kanilang layunin. Sa paraang ito, hindi sinasabi na kailangang bawat galaw ay para sa bayan lamang. Ngunit ipinahihiwatig lamang na maging produktibo upang magkaroon ng parte sa pag-unlad ng bansa.

        Ayon naman kay Delwyn

Noong ika-27 ng Agosto, tinalakay sa amin ni Prof. ang isa sa mga pangunahing suliranin na kinakaharap ng ating bansa, Kahirapan. Tinalakay niya ang iba’t ibang ugat at mukha ng nasabing problema na nagmulat sa amin kung ano ba talagang klaseng sakit sa lipunan ang ating kinakaharap.
Ayon sa lektura, ang kahirapan ay hindi isang aksidente lamang kundi isang organisadong pangyayari sa ating lipunan. Mayroon itong iba-ibang uri at dimensyon na labis na nakakaapekto sa ating mga kababayan. Nabanggit din ang mga teorya na tumatalakay sa kahirapan na nagbibigay linaw sa atin kung anu-ano ba ang mga posibleng dahilan at mga maaring gawin upang malutas ang problemang ito. Inilatag din sa lekturang iyon ang maraming klase ng pag-uuri sa antas ng tao sa lipunan na siya namang nagpapakita sa atin kung anong sektor ng lipunan ang labis na naaapektuhan ng kahirapan at bilang panapos, inihain ng tagapagsalita ang mga posibleng solusyon na maaaring gawin natin base sa uri at kalagayan ng ating bansa.
Maaari nating sabihin na tunay ngang sinadya ang kahirapan dahil kung pagbabatayan natin ang kasaysayan, walang masasabing mahirap na Pilipino dahil napakasagana natin sa mga likas na yaman. Lahat ng mga pangunahing pangangailangan ay madali at mabilis lamang matatagpuan ngunit ng magsimula ang kolonyalisasyon, namulat tayo sa pamamaraan ng mga kanluranin lalo na ang pag-uuri nila sa mga tao batay sa kanilang lahi at taglay nilang yaman o kapangyarihan. Sa aming palagay, doon nag-ugat ang kahirapang dinadanas natin ngayon. Ang konsepto ng pagkakaroon ng nakatataas o makakapangyarihan at mga pangkaraniwan o mga napapasailalim ang kasalukuyang halimbawa ng pag-uuring iyon na masasabing dahilan ng tila walang katapusang daloy ng kahirapan. Mula sa mga ugat na iyon, marami nang naglabasang sanga na patuloy na nagpalaganap sa kahirapan tulad ng pananamantala ng mga makapangyarihan, pagkakasalungat ng adhikain ng mga namumuno at pinamumunuan, at tuluyang pagguho ng mga institusyon na lalong nagpapalubha sa kalagayan ng ating mga kababayan.
Sa aming palagay, lahat ng tao sa ating lipunan ay bahagi ng daloy na ito kaya hindi natin pwedeng sabihin na wala tayong kakayahang makatulong sa paglutas sa pambansang suliranin na ito. Kung nais nating mabago ang kasalukuyang lagay ng kahirapan sa ating bansa, kailangan nating lahat ng pagbabago. Marapat lamang na maging bukas ang ating mga isipan sa mga repormang dapat ipatupad hindi lamang sa ating pamahalaan kundi sa ating mga sarili dahil wala tayong maipapatupad na pagbabago kung maging sa sarili natin ay hindi natin ito maisagawa.
Nawa’y mapagtanto ng mga mayayaman o makapangyarihan na ang pagsasamantala sa nakakababa ay makakasama hindi lamang sa kanilang inaabuso kundi maging sa kanila din mismo dahil kung wala ang mga pinamumunuan nila, wala sila sa kinalalagyan nila ngayon. Para naman sa mga mahihirap, patuloy kayong magsikap at tiyak na makakaahon din kayo sa hukay ng kahirapan. Ang kawalan ng pag-asa ay hindi sapat na dahilan upang ipasa ninyo ang pasakit na inyong dinadanas sa mga susunod na henerasyon. At sa huli, tayong mga nasa “middle class” o mga petty bourgeois, tayo ang namamagitan sa mga sektor ng lipunan kaya lahat ng ating mga desisyon ay makakaapekto sa nakararami. Ang kapangyarihan upang makagawa ng malawakang pagbabago upang magwakas o mabawasan man lamang ang mga epekto ng suliraning ito ay nasa ating mga kamay. 
Hindi mahalaga kung sino ka o ano ang antas mo sa lipunan, ang mahalaga ay kung may natulong ka para sa kapakanan ng nakararami.

          And in Lloyd's opinion

In our NSTP meeting for the last week of August, we were able to listen to an anthropologist, the speaker for that day. He talked about poverty and its effect to our country. He lectured the various facts around poverty which we either do not know or pretended that we don’t know. As a matter of fact, his lecture found a way to enlighten me around the oblivious way, my way, of seeing my fellowmen suffer from inadequacy while I waste my time, energy and efforts on something that is not truly essential. He publicized in the very audience the melancholic truth that was hidden or perhaps ignored by some of us Filipinos. As we satisfy ourselves with our luxuries and work our lives for our own existence, the speaker himself devoted himself to working with our fellowmen that we consider under the possession of poverty. He studied the way they live, how they managed to keep up with their life despite the truth that their everyday is full of inadequacy to achieve a sufficient living. He studied their struggle and he struggled together with them. And with his desire to help them, he used the knowledge he learned from his observations to educate others that there are a lot of people to think of besides ourselves.

With the speaker’s lecture, I came to think of them. Those people whose lives are burdened by poverty. We don’t need to entirely help. All we need is to act altogether to make our country free from poverty. Poverty will not exist if everybody made their move in creating a great country that truly overthrows the idea of corruption and other crimes as well. It is about time for us to think, to work and to serve not just ourselves but others as well. It’s just serve and be served. Let’s make use of the mutual relationship our ecology built for us. 


Nung araw ring iyon ay binigyan kami ng isang arikulo para basahin. At si Anthony ay nagbigay ng aming reaksyon

Pangalan ng Artikulo: Kay Inday Bagasbas: Puso ng maralitang Tagalungsod
http://pinoyweekly.org/new/2014/02/si-ka-inday-at-ang-puso-ng-maralitang-tagalungsod/

Hindi na kami magugulat pa sa aming napag-alaman ukol sa pakikibaka at hinaing ni Ka Inday tungkol sa kabuluktutang ginagawa ng gobyerno. Ihinihatid niya ang mensahe na kung nasaan na ba ang matuwid na daang ipinangako ni Noynoy bago ito maluklok sa puwesto at sa kung nasaan ba ang katarungang maghahatid sa mga mararalitang Pilipino mula sa pang-aabusong ginagawa sa kanila ng mga gobyerno? Bilang mga Iskolar ng Bayan; mga estudyanteng ng estado, hindi na bago pa sa aming mga pandinig ang makarinig ng sari-saring hinaing ukol sa ating pamahalaan; sa kung paano ba nila pinapatakbo ang pamahalaan sa paraang sa tingin nila’y magkakaroon ng magandang epekto sa ekonomiya. Ngunit anong pag-unlad sa ekonomiya ang kanilang tinutukoy kung mapahanggang-ngayon ay nagkakandamatay ang mga mahihirap nang sa gayo’y may maihain lamang o di kaya’y may maipang-tawid gutom para sa isang araw?
Isang issue na binanggit sa pahayag ay tungkol sa pagpapademolis ng mga tirahan ng mga mahihirap. Totoo na magkakaroon ng magandang epekto kung mababawasan ang mga informal settlers sa bansa, ngunit kung ganito ang mangyayari, saan naman magsisipunta ang ilan nating mga kapwa Pilipino? Sa unang banda, sila’y sobrang nahihirapan sa buhay; walang disenteng trabaho, maraming anak at hindi nakatapos sa pag-aaral. Walang magawa ang gobyerno na solusyon ukol dito. Kung mayroon man, marahil sa sapat lamang sa kakaunting pursyento ng mga manggagawang Pilipino. Ang masama dito, nasasama ang kanilang mga kabuhayan sa paninirang ginagawa ng gobyerno na nagkakaroon ng malaking epekto sa kanilang araw-araw na pangkabuhayan; isa sa mga hinaing ni Ka Inday. 
Isang bagay na lubusang hindi naming matanggap ay kung paano isinasagawa ang pangdedemolisyon. Sabi ni Ka Inday, minsan ay ginagawa ito ng wala man lamang sinasabing babala kaya nama’y hindi nakakapaghanda ang mga naninirihan sa San Roque. Kung iisipin sa una, ito na ang pinakamalalang magagawa ng gobyerno sa mga tao, ngunit mas lalong hindi katanggap-tanggap ang pangyayaring walong beses na pagsunog sa kanilang lugar. Hindi biro ang masunugan ng isang beses, tiyak na lalong mas kalunos lunos pang iisipin ang walo. Maaaring nagkaroon lamang ng kapabayaang nangyari kaya nagkasunog ng ganito karami ngunit hindi na rin kami magugulat kung kagagawan nga ito ng gobyerno, dahil sinu-sino pa nga ba ang may makikitid na utak upang gawin ang mga bagay na ito.
Maraming tanong ang siyang bumabagabag sa aming mga isipan: Saan ba nilalaan ng pamahalaan ang pera ng bayan? Bakit kailangang pang magdusa ng mga mahihirap gaya nito? Bakit ang mga mahihirap pa ang siyang nagdurusa gayo’y hindi naman sila ang lumulustay sa kaban na pinagkayudan at pinag-alayan ng dugo’t pawis ng bayan?
Gayunpaman, nakakagalak ding isipin na nagkakaisa tayong mga Pilipino sa panahon na kailangan tayo magsasama-sama. Kahit anupamang hirap, may mga Pilipino pa rin na gaya ni Ka Inday, ay nagpapatuloy lang sa pagkayod. Trabaho lang ng trabaho nang sa gayo’y maiahon lamang ang mga anak sa buhay. Ika nga niya “Nauunawaan ko ang galit at poot sa puso ng mga maralitang tagalungsod, pero kailangang ibaling ito sa pusong nagtitiwala, nagmamahal, para sa tunay at ganap na pagbabago.  Mas mahalaga pa rin ang sama-sama nating pagkilos.” Sa huli, mas mananaig at laging mas mananaig pa rin ang liwanag sa isipan ng sangkatauhan.


-Mula sa Batang Hamogz Group

Linggo, Agosto 24, 2014

Bayaning 3rd World (1999)





Marahil isang bagay na nais ipahatid sa atin ng pelikula ay ang mas maintindihan pa ang buhay ng ating pambansang bayaning si Gat Jose Rizal. Ipinakita sa pelikulang ito kung ano ang mga “posibleng” mungkahi at damdamin ng mga taong nagkaroon ng malaking kinalaman sa buhay ng ating yumaong bayani. Masasabi naming posible lamang ang mga naging mungkahi sa panayam ng mga bida sa mga tauhan sapagkat ito’y walang sapat na basehan at hindi naman tayo nakasisigurong tugma at ganoon nga ang mga tunay na nangyari sa daang taon na lumipas.
 Sa aming palagay, ipinapahatid ng pelikulang ito ang pagkakahati ng mga naniniwala at mga tuligsa kay Rizal. Isang dahilan kung bakit tuligsa ang karamihan sa pagiging pambansang bayani ni Rizal ay dahil sa palagay nila na may iba pang mas karapat-dapat sa bansag na tinatamasa nito , tulad na lamang ng ibang mga bayaning naging biktima ng mapangahas at walang awang pang aalipin ng mga mananakop; mga bayaning naging malamig na bangkay sa di mabilang at karumal-dumal na paghaharap ng mga bala at gulok ng kanilang panahon. Isa pa sa bagay na inilalahad ng iba kung bakit hindi dapat na maging pambansang bayani si Rizal ay dahil sa hindi naman siya nakiisa sa rebolusyon, bagkus ay tumaliwas at sumalungat pa dito – bagay na naiparating ng pelikula.
Marami ang sang ayon at ganoon din ang mga hindi sang-ayon sa pagiging pambansang bayani ni Rizal. Isa sa mga opinyon ng karamihan ay kaya lang naman nito natanggap ang pagiging pambansang bayani  ay dahil sa naging magiting at kahanga-hangang prinsipyo gayundin ang naging “madramang pagkakamatay”  nito ngunit kahit pa ganoon ay hindi pa rin kumbinsido ang ilan sa kanyang natamo. Buhat ng kanyang katayuan, katanyagan at impluwensya, marahil naging malaking bagay nga ang mga ito upang siya’y maging isang pambansang bayani. Isang bayani na titingalain ng mga tao lalo ng mga kabataan; isang bayani na pinili ang hindi marahas na paraan; isang bayani na tatatak sa isip ng iba at isang bayani na maraming natamo sa buhay. Dahilan kung bakit sumasalungat ang iba ay dahil naiisip nila na kung bakit si Rizal ang napili  bilang pambansang bayani ay dahil sa mga bagay na natamo nito – hindi gaya ng ibang mga Indiong nagpakabayani ngunit mga mahihirap, walang pinag-aralan, walang impulwensya at mangmang.
Diskriminasyon. Ito ba ang dahilan kung bakit hindi pinili ang ilang mga bayaning nasasabing mas karapat dapat pa na tingalain? Kaya ba nila pinili si Rizal upang maging pambansang bayani ay upang maging maganda ang imahe ng Pilipinas? Na mayroon tayong pambansang bayani na matalino, may katayuan, may impluwensya, may pangalan, may pinag aralan at sa ibang bansa’y naglipana ang katanyagan? Kailangan ba nakapagtapos ka muna ng maraming degree gaya ng medisina, pilosopiya, inhinyero, arkitektura atbp.? Ganito ba ang naging himpilan sa pagpili ng ating pambansang bayani? – mga katanungang umiikot sa kasaysayan at kultura ng mga Pilipino.
Sa aming palagay, hindi naman mahalaga kung sino pa man ang itanghal na pambansang bayani sapagkat kahit anuman ang mangyari, hindi naman mababago ang kasalukuyan. Gayundin ang nakaraan. Mas mabuting ating pagsibulin ang hinaharap. Isabuhay natin ang mga prinsipyo ng ating mga kapatid at mga ninunong nagbuwis ng kanilang buhay upang makamit lamang ang kasarinlan na ating tinatamasa mapahanggang-ngayon. Kung si Rizal man ang pambansang bayani, kami’y lubos na SANG-AYON sa bagay na ito. Totoo nga na maraming maaring sabihing masasakit na salita ang ilan sapagkat maging ang  ating pambansang bayani ay nagkakamali din. Kung tinuturing mang santo o Diyos ng iba si Rizal, marahil ay mayroon silang dahilan.

Hindi na kailangang kalikutin pa ang kasuluk sulukan ng kasaysayan. Mas magiging produktibo pa kung ating aayusin ang ating mga sarili nang sa gayo’y matigil na ang kurapsyon na nanlilimahid sa ating bayang sinilangan. Sa paraang ito, marahil muling manumbalik ang kahulugan ng pagiging isang tunay na Pilipino, isang taong may prinsipyo na handang ibuwis ang sariling buhay para lang sa kasarinlan. Sa pagpuksa ng ating masasamang nakagawian, marahil makamit na natin ang tunay na kalayaan. Sa pagtatapos ng aming hinaing, nais naming ipahatid na aming ginagalang ang hinaing ng iba kung sang ayon ba sila o hindi sa pagiging pambansang bayani ni Rizal. Ngunit isang bagay lamang ang aming hinihiling, na sanay maisip natin na sa bawat araw ng ating buhay ay utang natin sa ating mga bayani lalo na kay Rizal;  ang siyang nag udyok at naging susi upang mapag alab ang damdaming makabayan ng mga Pilipino, mga binansagang Indio ng kanilang panahon.

-mula sa Batang Hamogz, UP Manila, Aug. 24,2014