Marahil isang bagay na nais ipahatid sa atin ng pelikula ay ang mas maintindihan pa ang buhay ng ating pambansang bayaning si Gat Jose Rizal. Ipinakita sa pelikulang ito kung ano ang mga “posibleng” mungkahi at damdamin ng mga taong nagkaroon ng malaking kinalaman sa buhay ng ating yumaong bayani. Masasabi naming posible lamang ang mga naging mungkahi sa panayam ng mga bida sa mga tauhan sapagkat ito’y walang sapat na basehan at hindi naman tayo nakasisigurong tugma at ganoon nga ang mga tunay na nangyari sa daang taon na lumipas.
Sa aming palagay, ipinapahatid ng pelikulang
ito ang pagkakahati ng mga naniniwala at mga tuligsa kay Rizal. Isang dahilan
kung bakit tuligsa ang karamihan sa pagiging pambansang bayani ni Rizal ay
dahil sa palagay nila na may iba pang mas karapat-dapat sa bansag na tinatamasa
nito , tulad na lamang ng ibang mga bayaning naging biktima ng mapangahas at
walang awang pang aalipin ng mga mananakop; mga bayaning naging malamig na
bangkay sa di mabilang at karumal-dumal na paghaharap ng mga bala at gulok ng
kanilang panahon. Isa pa sa bagay na inilalahad ng iba kung bakit hindi dapat
na maging pambansang bayani si Rizal ay dahil sa hindi naman siya nakiisa sa
rebolusyon, bagkus ay tumaliwas at sumalungat pa dito – bagay na naiparating ng
pelikula.
Marami ang sang ayon at ganoon din
ang mga hindi sang-ayon sa pagiging pambansang bayani ni Rizal. Isa sa mga
opinyon ng karamihan ay kaya lang naman nito natanggap ang pagiging pambansang
bayani ay dahil sa naging magiting at kahanga-hangang prinsipyo gayundin ang naging “madramang pagkakamatay” nito ngunit kahit pa ganoon ay hindi pa rin
kumbinsido ang ilan sa kanyang natamo. Buhat ng kanyang katayuan, katanyagan at
impluwensya, marahil naging malaking bagay nga ang mga ito upang siya’y maging
isang pambansang bayani. Isang bayani na titingalain ng mga tao lalo ng mga
kabataan; isang bayani na pinili ang hindi marahas na paraan; isang bayani na
tatatak sa isip ng iba at isang bayani na maraming natamo sa buhay. Dahilan
kung bakit sumasalungat ang iba ay dahil naiisip nila na kung bakit si Rizal
ang napili bilang pambansang bayani ay
dahil sa mga bagay na natamo nito – hindi gaya ng ibang mga Indiong
nagpakabayani ngunit mga mahihirap, walang pinag-aralan, walang impulwensya at
mangmang.
Diskriminasyon. Ito ba ang dahilan
kung bakit hindi pinili ang ilang mga bayaning nasasabing mas karapat dapat pa
na tingalain? Kaya ba nila pinili si Rizal upang maging pambansang bayani ay
upang maging maganda ang imahe ng Pilipinas? Na mayroon tayong pambansang
bayani na matalino, may katayuan, may impluwensya, may pangalan, may pinag
aralan at sa ibang bansa’y naglipana ang katanyagan? Kailangan ba nakapagtapos
ka muna ng maraming degree gaya ng
medisina, pilosopiya, inhinyero, arkitektura atbp.? Ganito ba ang naging
himpilan sa pagpili ng ating pambansang bayani? – mga katanungang umiikot sa
kasaysayan at kultura ng mga Pilipino.
Sa aming palagay, hindi naman
mahalaga kung sino pa man ang itanghal na pambansang bayani sapagkat kahit
anuman ang mangyari, hindi naman mababago ang kasalukuyan. Gayundin ang
nakaraan. Mas mabuting ating pagsibulin ang hinaharap. Isabuhay natin ang mga
prinsipyo ng ating mga kapatid at mga ninunong nagbuwis ng kanilang buhay upang
makamit lamang ang kasarinlan na ating tinatamasa mapahanggang-ngayon. Kung si
Rizal man ang pambansang bayani, kami’y lubos na SANG-AYON sa bagay na ito.
Totoo nga na maraming maaring sabihing masasakit na salita ang ilan sapagkat
maging ang ating pambansang bayani ay
nagkakamali din. Kung tinuturing mang santo o Diyos ng iba si Rizal, marahil ay
mayroon silang dahilan.
Hindi na kailangang kalikutin pa
ang kasuluk sulukan ng kasaysayan. Mas magiging produktibo pa kung ating
aayusin ang ating mga sarili nang sa gayo’y matigil na ang kurapsyon na nanlilimahid
sa ating bayang sinilangan. Sa paraang ito, marahil muling manumbalik ang kahulugan
ng pagiging isang tunay na Pilipino, isang taong may prinsipyo na handang
ibuwis ang sariling buhay para lang sa kasarinlan. Sa pagpuksa ng ating
masasamang nakagawian, marahil makamit na natin ang tunay na kalayaan. Sa
pagtatapos ng aming hinaing, nais naming ipahatid na aming ginagalang ang
hinaing ng iba kung sang ayon ba sila o hindi sa pagiging pambansang bayani ni
Rizal. Ngunit isang bagay lamang ang aming hinihiling, na sanay maisip natin na
sa bawat araw ng ating buhay ay utang natin sa ating mga bayani lalo na kay
Rizal; ang siyang nag udyok at naging
susi upang mapag alab ang damdaming makabayan ng mga Pilipino, mga binansagang
Indio ng kanilang panahon.
-mula sa Batang Hamogz, UP Manila, Aug. 24,2014
-mula sa Batang Hamogz, UP Manila, Aug. 24,2014
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento