Kapag naririnig ang salitang katutubo, ang karaniwang pumapasok sa isipan ng tao ay pandak, kulot, at maitim. Ito ay dahil nakasaad ang mga katangiang ito sa pagsasalarawan ng mga katutubo sa mga libro sa elementarya. Ngunit mali pala ang tinatawag na “stereotyping” na ito sa ating mga katutubo dahil diskriminasyon na at hindi simpleng paglalarawan ang tingin nila dito. Kaya naman, isang malaking bagay para sa amin na marinig mula mismo sa ating mga katutubo ang kanilang dinadaing at nararanasan. Tulad ng naunang nabanggit, isang malaking bagay sa mga katutubo ang diskriminasyon. Ayon pa nga sa isang katutubo na nagsalita sa harapan, noon daw ay natatakot at nanginginig siya tuwing makakaharap ng isang tao mula sa siyudad dahil ang tingin daw nila dito ay higit na mas matalino at mas mataas ang antas sa kanya.
Maliban sa diskriminasyon ay mayroon pang mas malaking problema ang ating mga katutubo. Ito ay ang pagpapalayas sa kanila sa mga lugar na kanilang tinitirahan. Lubos umanong pinapaboran ng gobyerno ang mga pagpapatayo ng mining company sa kabundukan kaysa sa protektahan ang kalikasan at ang kapakanan ng ating mga katutubo. Sa kabila ng pagkakaroon ng mga batas na nagtatanggol sa ating mga kabundukan at sa ating mga katutubo ay ramdam pa rin nila at patuloy pa rin nilang nararanasan ang pagtataboy sa kanila.
Kaya naman kasama ang mga grupong sumusuporta sa kanila ay patuloy nilang pinaglalaban ang kanilang karapatan bilang mga Pilipino. Patuloy nilang dinidinig ang kanilang mga hinaing sa ating pamahalaan at patuloy silang lumalaban sa kabila ng banta sa kanilang kaligtasan.
Bilang isang estudyante tanging pagsuporta lamang sa kanila ang aking maibibigay. At ang pagkilala sa kanila bilang mga tunay na Pilipino na walang halong diskriminasyon.
Bilang isang Pilipino, hindi na bago pa sa ating kaalaman at mga mata ang tungkol sa ating mga kapatid na napapabilang sa mga pangkat-etniko na naglipana sa napakaraming lalawigan at probinsya ng ating bansa. Sila ay hitik sa kultura na mapahanggang-ngayon ay hindi pa rin nila pinakakawalan bagkus ay lalo pang pinanghahawakan ng lubusan. Saksi ang kani-kanilang tribo sa mga nagdaang pangyayari sa ating bansa; kung paano ito nagbago , kung paano ito nagkaroon ng progreso at sa kung papaano ito nagpabago-bago habang dumadaan ang panahon. Gayunpaman, lumipas man ang nagdaang panahon, hindi nagbago ang kani-kanilang paniniwala, tradisyon at kultura. Kaya nama’y hindi na nakakagulat pa kung bakit binabalik-balikan ang ating bansa ng samu’t saring mga turista, sapagkat ramdam nila ang init ng pambungad ng ating mga kapatid sa ating mga dakong probinsya.
Bilang isang Pilipino, hindi rin maganda ang mag bulag-bulagan pa. Alam nating lahat sa kung papaano bang hirap ang nararansan ng ating mga kapatid. Dahil na rin sa kawalan nila ng kaalaman sa edukasyon at literasiya ay marami ang sa kanila’y inaabuso, na nagdudulot ng hindi magandang epekto sa kanilang tribo. Bunga ng ilan sa pang aabusong ginagawa sa kanila ay ang panggagamit sa kanilang pagiging iliterado sa pamamagitan ng pagmamanipula sa kanilang pagboto sa pagpili ng lider. Isa pa ay ang pagiging bingi ng gobyerno ukol sa kanilang mga hinaing at pasakit. Dagdag na sa pang-aabuso ang pagkuha sa kanilang lupain at ang higit sa lahat, ang pwersahang pagpapaalis sa kanila sa kani-kanilang tirahan.