Linggo, Agosto 24, 2014

Bayaning 3rd World (1999)





Marahil isang bagay na nais ipahatid sa atin ng pelikula ay ang mas maintindihan pa ang buhay ng ating pambansang bayaning si Gat Jose Rizal. Ipinakita sa pelikulang ito kung ano ang mga “posibleng” mungkahi at damdamin ng mga taong nagkaroon ng malaking kinalaman sa buhay ng ating yumaong bayani. Masasabi naming posible lamang ang mga naging mungkahi sa panayam ng mga bida sa mga tauhan sapagkat ito’y walang sapat na basehan at hindi naman tayo nakasisigurong tugma at ganoon nga ang mga tunay na nangyari sa daang taon na lumipas.
 Sa aming palagay, ipinapahatid ng pelikulang ito ang pagkakahati ng mga naniniwala at mga tuligsa kay Rizal. Isang dahilan kung bakit tuligsa ang karamihan sa pagiging pambansang bayani ni Rizal ay dahil sa palagay nila na may iba pang mas karapat-dapat sa bansag na tinatamasa nito , tulad na lamang ng ibang mga bayaning naging biktima ng mapangahas at walang awang pang aalipin ng mga mananakop; mga bayaning naging malamig na bangkay sa di mabilang at karumal-dumal na paghaharap ng mga bala at gulok ng kanilang panahon. Isa pa sa bagay na inilalahad ng iba kung bakit hindi dapat na maging pambansang bayani si Rizal ay dahil sa hindi naman siya nakiisa sa rebolusyon, bagkus ay tumaliwas at sumalungat pa dito – bagay na naiparating ng pelikula.
Marami ang sang ayon at ganoon din ang mga hindi sang-ayon sa pagiging pambansang bayani ni Rizal. Isa sa mga opinyon ng karamihan ay kaya lang naman nito natanggap ang pagiging pambansang bayani  ay dahil sa naging magiting at kahanga-hangang prinsipyo gayundin ang naging “madramang pagkakamatay”  nito ngunit kahit pa ganoon ay hindi pa rin kumbinsido ang ilan sa kanyang natamo. Buhat ng kanyang katayuan, katanyagan at impluwensya, marahil naging malaking bagay nga ang mga ito upang siya’y maging isang pambansang bayani. Isang bayani na titingalain ng mga tao lalo ng mga kabataan; isang bayani na pinili ang hindi marahas na paraan; isang bayani na tatatak sa isip ng iba at isang bayani na maraming natamo sa buhay. Dahilan kung bakit sumasalungat ang iba ay dahil naiisip nila na kung bakit si Rizal ang napili  bilang pambansang bayani ay dahil sa mga bagay na natamo nito – hindi gaya ng ibang mga Indiong nagpakabayani ngunit mga mahihirap, walang pinag-aralan, walang impulwensya at mangmang.
Diskriminasyon. Ito ba ang dahilan kung bakit hindi pinili ang ilang mga bayaning nasasabing mas karapat dapat pa na tingalain? Kaya ba nila pinili si Rizal upang maging pambansang bayani ay upang maging maganda ang imahe ng Pilipinas? Na mayroon tayong pambansang bayani na matalino, may katayuan, may impluwensya, may pangalan, may pinag aralan at sa ibang bansa’y naglipana ang katanyagan? Kailangan ba nakapagtapos ka muna ng maraming degree gaya ng medisina, pilosopiya, inhinyero, arkitektura atbp.? Ganito ba ang naging himpilan sa pagpili ng ating pambansang bayani? – mga katanungang umiikot sa kasaysayan at kultura ng mga Pilipino.
Sa aming palagay, hindi naman mahalaga kung sino pa man ang itanghal na pambansang bayani sapagkat kahit anuman ang mangyari, hindi naman mababago ang kasalukuyan. Gayundin ang nakaraan. Mas mabuting ating pagsibulin ang hinaharap. Isabuhay natin ang mga prinsipyo ng ating mga kapatid at mga ninunong nagbuwis ng kanilang buhay upang makamit lamang ang kasarinlan na ating tinatamasa mapahanggang-ngayon. Kung si Rizal man ang pambansang bayani, kami’y lubos na SANG-AYON sa bagay na ito. Totoo nga na maraming maaring sabihing masasakit na salita ang ilan sapagkat maging ang  ating pambansang bayani ay nagkakamali din. Kung tinuturing mang santo o Diyos ng iba si Rizal, marahil ay mayroon silang dahilan.

Hindi na kailangang kalikutin pa ang kasuluk sulukan ng kasaysayan. Mas magiging produktibo pa kung ating aayusin ang ating mga sarili nang sa gayo’y matigil na ang kurapsyon na nanlilimahid sa ating bayang sinilangan. Sa paraang ito, marahil muling manumbalik ang kahulugan ng pagiging isang tunay na Pilipino, isang taong may prinsipyo na handang ibuwis ang sariling buhay para lang sa kasarinlan. Sa pagpuksa ng ating masasamang nakagawian, marahil makamit na natin ang tunay na kalayaan. Sa pagtatapos ng aming hinaing, nais naming ipahatid na aming ginagalang ang hinaing ng iba kung sang ayon ba sila o hindi sa pagiging pambansang bayani ni Rizal. Ngunit isang bagay lamang ang aming hinihiling, na sanay maisip natin na sa bawat araw ng ating buhay ay utang natin sa ating mga bayani lalo na kay Rizal;  ang siyang nag udyok at naging susi upang mapag alab ang damdaming makabayan ng mga Pilipino, mga binansagang Indio ng kanilang panahon.

-mula sa Batang Hamogz, UP Manila, Aug. 24,2014